Ipinaskil ni: gco122386 | 02.15.09

ang paglalakbay sa laot ng isang matinding unos…

sea-waves-wallpaper Paano ko nga ba maisusulat ang eksaktong nilalaman ng aking dibdib sa ngayon? Wala atang sapat na salita ang makapaglarawan sa kung ano man ang dinaranas ng aking pagal na katawan at bugbog na isipan. Maghapon akong nag-iisip ng solusyon sa aking mga problema kahit alam ko na ang sagot ay isang malaking “WALA”. Sadya nga bang kapag dumating sa atin ang pagsubok ay dumarating ito ng sabay sabay? o sadyang isa ako sa mga namumukod tanging nilalang sa mundo na kailangan danasin ang lahat ng ito upang matuto ng aking mga leksyon sa buhay.

Pagpasok ng buwan na ito nawalan ako ng trabaho. Isang trabaho na kung tutuusin ay kadikit na ng salitang PERPEKTO! Tama, ang pinakahuling trabaho ko ay maituturing ko ng perpekto! Ngunit sa loob ng ilang minuto nabago ang lahat. Sa loob ng isang kwarto ako ay kinausap ng aking bisor na kailangan ko ng magresign at isalba ang aking sarili sa mas matinding bagay na maaaring maganap. Sinunod ko ang payo ng aking bisor dahil alam ko yun ang makabubuti para sa akin ngunit doon din nag-ugat lahat ng lungkot at hirap na dinaranas ko ngayon.

Sunod sunod na mga dagok ang kinaharap ko pagkatapos noon. Wala sa sistema ng aking utak na lahat pala ng aking bayarin ay nakadepende  sa trabaho ko. San ako kukuha ng pambayad sa renta ng bahay..ng tubig…ng kuryente…ng pagkain…at iba pang gastusin? Naloko na! Napasuong ako sa sa dagat ng problema!

Ngayon ay dalawang linggo na akong walang trabaho. Dalawang linggo na akong nananatiling nakakulong sa aking munting tirahan. Minsan ako ay lumalabas upang maghanap ng mapagkakakitaan ngunit lahat ay wala pang kasiguraduhan.

San nga ba ako magsisisimulang muli? San nga ba ako kukuha ng lakas upang magawa ko pa ring bumangon at muling lumaban?

Ilang taon na akong ganito. Mula ng mamatay ang aking ama ay mistulang nakikipagkarera ako sa aking kapalaran. Inuunahan ko ang bawat pagpalit ng araw at gabi upang mapatunayan sa aking sarili at sa lahat ng nakatunghay sakin na kaya ko at maabot ko ang minimithi ko.

Nakapagtapos ako sa kolehiyo nang may maipagmamalaki at namasukan sa isang malaking kumpanya ng telebisyon. Mula noon ay nagsimula ang aking pangarap…ang mangarap ng higit sa pangarap ng mga kaedaran ko nung mga panahong iyon. Ang panarap kung iyon ang nagtulak sa akin upang magpursige. Hindi ako nabigo…nagawa ko ang aking nais…nakapagpundar ako ng bahay at lupa sa pamamagitan ng aking sweldo at loan sa bangko.

Lumipat ako ng kumpanya at napadpad sa isang sikat na restaurant chain sa bansa. Maayos ang naging trabaho ko sa kumpanyang iyong ngunit napilitan akong umalis at mamasukan sa mas maliit na kumpanya.

Mula noon naging mahirap na muli para sa akin ang lahat. Lumiit ang aking kita at nagresulta sa pagkakabaon ko sa utang sa bangko kaya’t napilitan akong ibenta ang bahay at bayaran ang bangkong aking pinagkakautangan. Gusto ko ng magwala noong panahong iyon dahil nawala sa aking kamay ang aking pinaghirapan.

Nang panahon na iyon ay kinuwesyon na ng aking ina ang aking mga ginagawa. Wala daw pinatutunguhan ang lahat ng aking pinaghihirapan. Naging madali para sa aking ina ang pagbibitiw ng mga ganung salita dahil totoo ang mga iyon at higit sa lahat masama ang kayang loob dahil nakalimot ako sa aking responsibilidad sa kanila. Aminado ako na naging iresponsable ako at di ko na naiisip ang aking pamilya.

Nakahanap muli ako ng trabaho at yun nga ay ang kumpayang aking minahal ng lubos. Napamahal na sa akin ang mga kaopisina ko roon at lubos na ikinalungkot ko ang aking paglisan sa kumpanyang minsan nagparamdam sa akin na kaya ko muli ang bumangon.

Ngayon na tapos na ang lahat para sa amin ng kunpanyang iyon ay wala akong magawa kun’di ang mangulila…ang balik balikan ang mga alaala.

Pinilit ko na maging mabuting tao at nagawa ko ito. Ngunit bakit ganito ang nangyayari? ‘di dapat ang mga katulad ko na naging mabuti sa mata ng diyos at tao ang dumaranas ng ganitong hirap! Oo di ako perpekto pero ginawa ko ang lahat para maging mabuti ako sa lahat at ginawa ko ang lahat para maabot ko ang inaasahan sakin ng iba.

Pagod na ko…bakit ba tila pinipilit akong igupo ng mga pagsubok na sunod sunod na dumarating!  Ano ba talaga ang lahat ng ito? Pagsubok o kabayaran sa mga pagkakamali ko?

Walang wala na ako…di lang sa pera, pati na rin sa mga kaibigang nabigo ko at sa mga kakilalang di na naniniwala sa akin. Unti unti akong nawawalan. Ano pa ba ang mawawala?

Kailan ba matatapos ang lahat nito? Kailan mapapanatag ang isip ko sa mga bagay na di ko naman ninais mangyari. Oo, nagkamali ako ngunit di ako nagkamali at naghangad ng masama…Nagkamali ako para makakaabot ng mabuting bagay. Ika nga nila…‘di lahat ng ginawa mo na masama ay para sa masama,minsan gumagawa ka ng masama para may makamit ka na mabuti.

Lahat ng pagkakamali ko ay unti-unting sumasabog sa aking harapan. Wala akong magawa dahil tila ba wala akong kontrol sa lahat ng nangyayari.

Kaya ko pa ba?  Hanggang kailan? Wala bang sasagip man lang sakin? Wala na ba talagang natira sa mga kaibigan ko? Nasan na yung mga taong minsan ay napasaya ko at natulungan? ‘di ako naniningil pero sana naman ay maalala ninyo ako. Sana ‘di umabot sa sukdulan ang lahat. Sukdulang pwede ko ng itext si kamatayan at makipag-eyeball kay San Pedro.

Kung ito man ay karma ko sa lahat ng nagawa ko humihingi ako ng kapatawaran. Sa lahat ng taong masaktan ko…patawad…sa lahat ng taong nabigo sa akin…patawad…sa lahat ng pusong nasaktan ko patawad…sa lahat ng nagmahal sa akin na di ko nasuklian… patawad… sa aking pamilya… patawad…sa aking minamahal…patawad…

Panginoon, sana matapos na ang lahat ng ito. Kung ano man ang naging kasalanan ko nawa’y mapatawad mo ako. Sana hindi umabot sa puntong nakaya ko nga ang lahat ngunit ako na lang ang nag-iisang nakatayo at nilisan na ko ng lahat. Napagtagumpayan ko man ay balewala na…sana ay bigyan ninyo ako ng bagong pag-asa at bigyan ng lakas upang malampasan ang pagsubok na ito. Panginoon patawad…Panginoon paki-usap…tapusin na po natin ito…


Responses

  1. Napakadrama, pero ang buhay, Gen hindi makulay kung walang sinabawang-gulay. Just pray and be decent my dear!


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Mga Kategoriya

%d bloggers like this: